San Pablo City- Simula noong buwan ng Pebrero hanggang Marso 8 ay mayroon ng 1,603 aso sa iba’t-ibang barangay ng Lunsod ng San Pablo ang nabigyan ng libreng bakuna laban sa rabis. Ayon kay City Veterinarian Fara Jayne C. Orsolino puspusan ang kanilang kampanya laban sa nakakamatay na rabis sa tulong na rin ng City Health Office sa pamumuno ni Dr. Job D. Brion. Dagdag pa ni Dra. Orsolino na ito ay hindi dapat ipagwalang bahala sapagkat ito ay lubhang mapanganib.
Patuloy ang City Veterinary Office sa kanilang kampanya laban sa rabis, sa pamamagitan ng ree vaccination na isinasagawa na may pakikipag-ugnayan sa mga Barangay Chairman upang ang kanilang barangay ay ma-iskedyul at mapuntahan ng mga tauhan ng City Veterinary Office.
Noong Pebrero ay may 1,342 aso ang kanilang nabakunahan sa Barangays Del Remedio, Bagong Bayan, Sto. Cristo, Sta. Maria Magdalena, Sto. Angel, San Crispin, II-B at ang iba naman ay walk-in. Mula Marso 1-8 naman ay nakapagbakuna sila ng 261 aso mula sa Barangays Del Remedio, IV-A, Sta. Filomena at III-C. Ang iba pang barangay na naka-iskedyul ay ang Dolores sa Marso 9; IV-B sa Marso 11; San Gabriel sa Marso 15; San Ignacio sa Marso 16-18; San Isidro sa Marso 22; at V-A sa Marso 23. .
Ayon pa rin kay Dra. Orsolino ang proyektong ito ay kaugnay na rin ng paggunita ng Rabies Awareness Month ngayong Marso. Kasabay na rin sa pagbabakuna ng aso ang deworming ng mga baka, kalabaw at kambing. Nananawagan rin siya sa iba pang Barangay Chairman na magtungo lamang sa kanilang tanggapan para sa kaukulang iskedyul ng libreng bakuna sa kanilang barangay. (CIO-San Pablo City)
Comments
Post a Comment