Pag-alinsunod sa prosesong itinatakda sa Philippine Passport Act of 1996, sa pakikipag-ugnayan ni Alkalde Vicente B. Amante sa Consular Office ng Department of Foreign Affairs, ay may isasagawang mobile passporting sa darating na Mayo 19, 2011, araw ng Huwebes, na gaganapin sa One Stop Processing Center ng Pangasiwaang Lunsod ng San Pablo, sang-ayon sa pahayag ni City Administrator Loreto S. Amante sa flag ceremony noong Lunes ng umaga sa City Hall.
Ang halaga ng passport na ito na ayon kay Amben Amante ay may uring “Machine Readable” ay P1,200, at ang pangunahing pangangailangan ay birth certificate na authenticated ng National Statistics Office (NSO); 2 valid identification card; at kung babaeng may-asawa ay authenticated marriage certificate.
Ang mga babaeng balo ay dapat magdala ng death certificate ng namayapang asawa na authenticated din ng National Statistics Office..
Kung renewal ng expired passport, ay dapat dalahin lamang ay ang lumang passport at dalawang identification card.
Pinapayuhan ni Amben Amante ang lahat ng magtutungo sa Mobile Passporting Service sa Mayo 19, na dapat na sila ay may maayos na kasuutan, na kung lalaki ay may cuello o collar ang pang-itaas, at kung ngingiti ay “Mona Liza Smile” o hindi dapat na nakikita ang ngipin, natural o pustiso man. At dahil sa prosesong ipinaiiral ngayon, ang tatanggapin lamang ay ang unang 400 passport applications.
Para sa kaayusan, ang passport application ay dapat na maagang ilahad sa passport coordinator, na para sa May 19, 2011 Mobile Passporting Service ay sa City Legal Office sa Window 8 sa One Stop Processing Center nang hindi kukulangin sa dalawang linggo bago ang nakatakdang Mobile Passport Service o sa o bago sumapit ang Mayo 5, 2011; upang sila ay mapayuhan sa tamang oras na sila ay haharapin ng mga Mobile Passport Service official.
Ang passport applicant ay dapat na personal na magsasadya sa Mobile Passport Service, liban na lamang ng mga batang wala pang walong (8) taong gulang, o matandang mahigit na sa 65 taong gulang.
Sa Mobile Passport Service ay hindi tinatanggap ang kahilingan para palitan ang nawawalang valid passport; pero tatanggapin ang kahilingan para palitan ang nawawalang paso ng passport o “lost expired passports,” paalaala ni Amben Amante.
Para sa karagdagang kabatiran, pinapayuhan ni Amben Amante ang mga nagbabalak na humiling ng pasaporte na makipag-ugnayan sa City Legal Office na may telepono bilang (049) 562-0863, o tuwirang magsadya sa Window 8 ng One Stop Processing Center upang kumuha na tuloy ng application form. (Ruben E. Taningco).
Comments
Post a Comment