SAN PABLO CITY – Tiniyak ni ABC President Gener B. Amante ang pakikilahok ng lahat ng mga rural barangay sa Philippine Arbor Day Celebration na gaganapin sa darating na Sabado, Hunyo 25, 2011 sa pangkalahatang koodinasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na ang pangunahing punong kahoy na itatanim ay ang Philippine Mahogany.
Ayon kay Konsehal Amante, hindi na suliranin sa lunsod na ito ang paghikayat na magtanim ng mga punong kahoy, dahil sa ang pagtatanim ng mga puno ay bahagi na ng pagpapahalaga ng mga taga-nayon, halimbawa sa kanyang sariling barangay, o sa Barangay San Jose (Malamig), dito ay patuloy ang isinasagawang pagtatanim ng iba’t ibang puno, kasama na ang (damong) kawayan bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na an gang kapaligiran ng pamayanan ay maging malinis, dahil sa dito nakatayo ang isang malalaking planta, kasama na ang isang pagawaan ng mga gamot.
Kinikilala rin na ang Barangay San Jose, na lalong kilala sa katawagang Malamig, ay bahagi ng watershed ng lunsod, kaya dito ay totohanan ang implementasyon ng pagtatanim ng mga punong kahoy.
Maging sa kasaysayan ng lunsod, bago ang World War II, ay isang masayang tradisyon ang pakikilahok sa Arbor Day Celebration, isang kulturang inihabilin ng mga Thomasites, o ng mga gurong Americano na nagpapatatag ng sistema ng edukasyon sa bansa. Ang arbor ay mula sa salitang Latin na ang kahulugan ay “tree” o punong kahoy, paalaala pa ng ABC President.
Samantala, napag-alaman mula kay City Local Government Operations Officer Marciana S. Brosas na ang DILG Family sa lunsod na ito, o ang kanyang tanggapan, kasama ang mga pinunon at kawani ng San Pablo City Police Station, BJMP District Jail, at San Pablo City Fire Service Station, ay sama-samang magtatanim sa kapaligiran ng Bundok Ubabis sa Barangay San Mateo, bilang pagpapatibay sa kanilang pakikiisa na mapangalagaan ang kapaligiran ng barangay, dahil sa particular na barangay na ito nagkakaroon ng mga pagguho kung may nagdaraang bagyo sa Katimugang Tagalog.
Sang-ayon kay City Director Marciana S. Brosas, si City Environment and Natural Resources Officer Ramon R. de Roma ang namamahala sa procurement ng planting material, at ang kanyang mga tauhan ang magkakaloob ng mga pagpapayong teknikal sa tamang pagtatanim ng mga puno, upang magkaroon ng katiyakang ito ay mabubuhay at lalago. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment