SAN PABLO CITY - Noong nakaraang taon, isang mediaman ang nagpadala ng mga liham sa Sangguniang Panglunsod ng San Pablo, na humihiling ng pagpapatibay ng mga kautusan na may kaugnayan sa pangangalaga at pangangasiwa sa mga dambana at pananda na may kaugnayan sa kasaysayan, gaya ng mga sumusunod: (1) Pagpapahayag na ang harapan ng bantayog ni Gat Andress Bonifacio sa malapit sa Hagdang Bato ay “No Parking Zone” upang mapanatiling kagalang-galang at malinis ang kapaligiran nito sa lahat ng pagkakataon; (2) Pagpapahayag na ang harapan ng Old City Hall Building ay “No Parking Zone” upang mapangalagaan ang kaayusan nito bilang isang istrakturang pangkasaysayan na natayo mahigit ng pitumpong taon ang nakalilipas, at hilinging mabalik ang (nawawalang) “panandang pangkasaysayan” o tablet na inilagay ng National Historical Commission ng pasinayaan ang Lunsod ng San Pablo noong Enero 2, 1941.
Malinaw na nakatadhana sa “Guidelines on Monuments Honoring National Heroes, Illustrious Filipinos and Other Personages” na binalangkas ng National Historical Commission of the Philippines na pananagutan ng Sangguniang Panglunsod/Bayan na magpatibay ng kautusang magtatakda ng marapat na pangangalaga at pangangasiwa sa kapaligiran ng mga dambana at panandang pangkasaysayan.
Nabanggit nina Konsehal Angelo L. Adriano, Edgardo D. Adajar, at Arnel C. Ticzon na kaagad nilang pagtitibayin ang mga mungkahing ito, pero hanggang ngayon ay wala pang napagtitibay na ordinansa para rito, bagama’t nagkaroon na di-umano ng pagsasagawa ng mga pampublikong pagdinig ukol dito, kaya ang tanong ng ilang may malasakit sa kultura at kasaysayan ng Lunsod ng San Pablo ay “Gaano Katagal Ang Kaagad?
Sang-ayon kay Engr. Edgardo A. Malijan, ang pagsasaayos ng bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Liwasang Lunsod ay sa inisyatibo ni Mayor Vicente B. Amante na may pakikipag-ugnayan sa National Historical Commission of the Philippines, bilang paghahanda sa paggunita sa ika-150 kaarawan ng pambansang bayani sa darating na Hunyo 20, 2011. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment