SAN PABLO CITY – Pagbibigay halaga sa mga nauna ng mensahe ni
Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na ang edukasyon ay makalulutas ng suliranin na gagabay sa bansa tungo sa ikapagkakaroon ng matatag na lipunan, tiniyak ni Dr. Enric T. Sanchez, tagapamanihala ng mga paaralang lunsod, na ipatutupad ang “Layuning Walang Koleksyon” sa pagbubukas ng mga paaralan ngayong Lunes, Hunyo 6, 2011. Ito ayon kay Dr. Sanchez ang nakatadhana sa 1987 Constitution, sa layuning mahikayat ang mga magulang na papasuking ang kanilang mga anak hanggang sa makapagtamo ng pangunahing edukasyon.
Sabagay, nabanggit din ni Dr. Sanchez na ang Layuning Walang Koleksyon ay dati ng ipinatutupad sa Sangay ng Lunsod ng San Pablo, o noon pa mang panahon ng panunungkulan ni Kalihim Jesli Lapuz, kaya ang kanya ay pagpapaalaala upang ang mga magulang ay huwag mag-atubiling ipasok ang kanilang mga anak saan mangy unit ng paaralang publiko sa lunsod, sapagka’t may katiyakang wala silang obligasyong pinansyal na babayan upang matala ang kanilang anak.
Isang magandang kapalaran ng mga kabataan na sa lunsod na ito, ayon kay Dr. Sanchez, na mula sa pinakamalayong tahanan o bahay sa pinakaliblib na pook, ay makararating sa paaralang publiko, sa antas ng elementarya at sekondarya, sa loob lamang ng 30 minuto, kaya ang pamasahe ay hindi dapat maging suliranin para sila ay mawalan ng pagkakataon na makapagtamo ng pangunahing edukasyon. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment