ALAMINOS, Laguna – Kapuri-puri ayon kay Municipal Agriculturist Gladys dV Apostol na ang mga bumubuo ng Samahan ng Magbubukid ng Alaminos na pinangunguluhan ni Oliver B. Fandiño ay may sariling palatuntunan upang mapalawak ang kamalayan ng kanilang mga kasapi sa tamang pagtatanim ng iba’t ibang halaman, at pangangasiwa ng pataniman nito.
May 32 aktibong kasapi, ang una nilang naging panauhing tagapagsalita sa ipinatawag nilang talakayan ay may kaugnayan sa posibilidad na sa bayang ito, at maging sa mga kalapit na munisipyo ay makapagbukas ng pataniman ng rubber tree; at sa sumunod na pagkakataon ay isang kinatawan ng Land Bank of the Philippines para naman sila ay magabayan sa wastong paghiram ng puhunan para sa pagpapaunlad ng isang pataniman sang-ayon kay Fandiño.
Naging si Dr. Patricio Faylon, na isang ipinagkakapuring anak ng bayang ito na kasalukuyang Executive Director ng Philippine Council for Agriculture, Forestry and Natural Resources Research and Development (PCARRD) ng Department of Science and Technology na naka-base sa Los Baños ay kanilang inanyayahan upang matalakay ang tamang pagtatatag ng plant nursery, mga dapat alalahanin sa pagtatanim at pangangasiwa ng pataniman, at mga pagpapayo sa mga kakbanging dapat isagawa ng isang magsasaka kung nagkakaroon ng suliranin ang kanilang mga tanim.
Naitatag ang isang magandang pag-uugnayan sa pag-itan ng samahan at ng PCARRD upang kung ang isang magsasaka ay may masusumpungang suliranin sa kanilang pataniman, ay maihingi ito ng payo sa mga eksperto sa pamamagitan ng email o electronic media.
Ayon kay Fandiño, nagkaroon ng pagkukusa ang mga magtatanim ng lansones, rambutan, niyog, at mga gulay sa bayang ito sa ilalim ng kaisipang “Mahina at maliit lamang ang magagawa kung nag-iisa, subali’t nagiging malakas at ang lahat ay kayang-kaya kung sama-sama.”
Sa panig ng pangasiwaang munisipal, napag-alaman na ang Municipal Barangay Hall na nagsisilbing bulwagang pulungan ng Liga ng mga Barangay ng Alaminos, ang ipinagagamit na pulungan ng Samahan ng mga Magbubukid ng Alaminos kung sila ay nagsasagawa ng training or seminar pag-uulat pa ni Fandiño. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment