Si Punong Guro Leonila V. Murad samantalang kinakapanaym ng tagapag-ulat na ito, samantalang nakamasid si Barangay Kagawad Kevin Pamatmat na isang tumapos ng Calumbang National High School. |
Nang si Gng. Leonila Virtucio Murad, punong guro ng Calumpang National High School sa Nagcarlan ay magsadya sa People’s Day noong nakaraang Lunes ng umaga upang idaing ang mga pangangailangan ng yunit ng mataas na paaralan na ang pinaglilingkuran ay hindi lamang ang mga kabataan mula sa pitong (7) barangay na nakapaligid rito, kundi marami ring mag-aaral mula sa kalapit na bayan ng Liliw, at maging sa mga bayan ng Calauan, Victoria, at Pila, ay kanya kaagad napansin na ang mambabatas ay hindi nagsasariling kalooban, sa halip ay kanyang ipinatawag si District Engineer Federico L. Concepcion upang sangguniin ang kung ano ang angkop na tulong na dapat ipagkaloob, sapagka’t ang pangunahing kahilingan ng punong guro ay mapalagyan ng linya ng tubig ang paaralan para maayos na mapangalagaan ang kalinisan ng paaralan, para sa kalusugan ng mga mag-aaral.
Mayroon ding inatasan si Congw. Ivy Arago para makipag-ugnayan sa tanggapan ni Mayor Nelson Usuna upang alamin kung ang hinihiling na proyekto ay kasama sa approved barangay development plan ng Barangay Calumpang, at babagi ng Approved Municipal Development Plan ng Nagcarlan gaya ng itinatagubilin sa Local Government Code of 1991 upang maging makabuluhan ang pagpapalabas ng laang-gugulin para sa paggawain.
Ganap na pinahahalagahan ni Gng. Leonila V. Murad ang pagiging metikulusa o pagsasakit na makuhang lahat ang kinakailangang detalye ni Congw. Ivy sapagka’t ito ay nagbibigay katarungan upang maipatupad ang isang paggawain, na hindi dahil sa pamumulitika, kundi ito ang tunay na pangangailangan sa isang pamayanan, at sulit ang bawa’t pisong magugugol dito para sa bilang ng mga mamamayan na mabibiyayaan. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment