SAN PABLO CITY - Pag-alinsunod sa itinatagubilin sa Seksyon 77, Artikulo XIX ng City Ordinance No.2011-01 na pinagtibay ng Sangguniang Panglunsod noong Enero 18, 2011, na matapos marepaso at nabigyan ng pagsang-ayon ng Sangguniang Panglalawigan, ay naipalathala na sa isang pahayagang lokal gaya ng itinatagubilin sa mga ipinaiiral na alituntunin sa pagbalangkas ng kautusan sa bansa, simula sa Hulyo 1, 2011 ang prusisyon ng mga nagsisipaglakad na nakikilibing ay mula lamang sa dalawang ispisipikong dako, at ito ay sa panulukan ng M. Leonor at Maharlika Highway para sa ihahatid sa Libingan ng Lunsod o City Public Cemetery, at sa mga pribadong libingan o memorial park sa Barangay San Gabriel; at sa may harapan ng Barangay Hall ng Del Remedio para sa ihahatid sa Himlayang San Pableño sa Del Remedio o Wawa.
Mula sa bahay, kung sa bahay ibuburol at paglalamayan ang patay, ang mga makikilibing ay dapat nakasakay sa motorisadong sasakyan upang maging mabilis ang pag-usad nito samantalang nagdaraan sa mga seksyon ng pambansang lansangan, hanggang sa makasapit sa mga itinakdang lugar para sa mga nagsisipaglakad na makikilibing sa M. Leonor o sa Wawa.
Dapat, ang implementasyon nito ay simula pa noong nakaraang Hunyo 1, subali’t hiniling ng mga may-ari ng punerarya sa Lunsod ng San Pablo na magsagawa muna ng malawakang information education communication drive upang ang layunin ng kautusang lunsod ay maunawaan ng mga mamamayan, lalo na ng mga namimighating naulila. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment