SAN PABLO CITY – Pamuling nagpapaalaala si City Local Government Operations Officer Marciana S. Brosas sa lahat ng mga punong barangay sa lunsod na ngayong balik paaralan na ang mga guro, ay magandang pagkakataon para ang mga estudyanteng naninirahan sa kanilang pamayanan ay maanyayahang makipagtulungan sa pagsasaayos ng datus (o updating of data) ng socio-economic profile ng kanilang barangay, na siyang batayan sa pagbabago o pagsasaayos ng Barangay Development Plan na siyang hinahanap na batayan sa pagpapatibay ng Proposed Annual Barangay Budget na dapat ihanda ng Sangguniang Barangay bago matapos sa Buwan ng Oktubre.
Bilang tagapamatnugot ng tanggapan ng Department of the Interior and Loca Government sa lunsod na ito, nabanggit ni Gng. Brosas na sa mga bayang kanyang nadestinuhan, bahagi ng kanyang karanasan ay may mga barangay na nagiging maayos ang paghahanda ng kanilang barangay development plan, sapagka’t ang mga bumubuo ng barangay development council (BDC) ay natutulungan ng mga college student na naninirahan sa kanilang barangay, sa koordinasyon ng SK Chairman, at ng mga guro sa paaralan.
Sa lunsod na ito ay hindi suliranin ang maaanyayahang mag-aaral sa kolehiyo, sapagka’t dito ay maraming institusyong nagkakaloob ng mga kurso sa inhenyerya, at komersyo na nakakatulong sa paghahanda ng mga datus na kinakailangan sa paghahanda ng mga palatuntunang binabalak ng pangasiwaang barangay.
Ipinaaalaala na rin ni Gng. Brosas na sa antas ng barangay, ang barangay development council ang gumaganap ng gampanin ng National Risk Reducation and Management Council o Pambansang Tanggapan para sa Pagtugon ng Sakuna. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment