CALAUAN, Laguna – Nagpapaalaala si Gng. Felisa “Baby” L. Berris, Unang Ginang ng bayang ito, na kaugnay ng nababalitang banta ng tagtuyot dahil na epekto ng El Niño, na sa pagdidilig ng mga tanim na gulay, at maging mga ornamental plant, ay iwasan ang gumamit ng tubig mula sa water district, dahil sa ito ay nagtataglay ng chlorine o kemikang panglinis ng tubig, na bagama’t nakatutulong sa pangangalaga ng kalusugan ng tao at hayop, ay nakasasama naman sa kalusugan ng halaman.
Ang dapat gamitin ay tubig na mula sa poso artesyano, dahil sa ito ay hindi nahahaluan ng clorine.
Si Gng. Baby Berris ay may malawak na kasanayan sa pag-aalaga ng halaman dahil sa ang kanilang pamilya ay may commercial farm na nagpapatubo ng mga halamang ginagamit sa landscaping o pagpapaganda ng kapaligiran.
Kung sadyang walang malayo sa poso artesyano o ilog na mapagkukunan ng tubig na pandilig sa halaman, ipinapayo ni Baby Berris na ang tubig mula sa water district ay imbakin muna at hayaang makasingaw sa loob man lamang ng maghapon, bago ito idilig. Ang pagpapahangin sa tubig ay nakaaalis sa napahalong chlorine dito.
Dagdag na kaalaman, ipinapayo rin ni Baby Berris sa mga nagsisipag-alaga ng isdang aquarium, na kung sila ay magpapalit ng tubig na nilalanguyan ng alagang isda, saan man galling ang ipapalit na tubig, ay makabubuting ito ay pasingawan muna sa isang sisidlan sa loob ng 24 oras, at kung magpapalit ay huwag biglaan, o gawaing gradwal.
Halimbawa, ang aquarium ay may kapasidad na anim (6) galong tubig, ay gawaing tatlong araw ang proseso ng pagpapalit, na araw-araw ay babawasan ng dalawang galon upang palitan ng dalawang galon mula sa pinasingawang tubig. Tiyakin ding ang pagsasalin o pagbubuhos ng tubig ay mabanayad upang huwag mapagod ang mga inaalagaang maliliit na isda. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment