San Pablo City – Isinagawa ang isang Flag Burning Ceremony sa mga sira, kupasin, at lumang watawat upang ito ay bigyan ng pagpapahalaga at parangal. Ang maikli subali’t madamdaming seremonya ay ginanap noong Biyernes, Marso 12 sa harapan ng Old Capitol Building sa pangunguna ng Boy Scout of the Philippines, San Pablo City Council at ni City Administrator Loreto S. Amante.
Isa-isang isinalarawan ang ebolusyon ng watawat ng Pilipinas na siyang kumakatawan sa lahing Filipino at sumisimbolo sa sakripisyong inalay ng ating mga ninuno alang-alang sa kalayaan ng bansa laban sa kamay ng mga dayuhan. Malinaw ring nailahad ng mga Scouter mula sa iba’t ibang school district sa lunsod ang mga layuning nakapaloob sa ebolusyon ng ating watawat.
Ayon City Administrator Amben Amante ang pagsunog sa mga lumang watawat ay bilang pagbibigay pugay dito. Madamdamin nitong tinalakay ang kahalagahan ng naturang okasyon para sa lahat ng mga Pilipino. Dagdag pa niya na ang watawat ay ang siyang tatak ng pagsusumikap ng ating mga bayani para matamo ang kalayaan. Ito ang kaluluwa ng buong bansa na sumasagisag sa buong pamayanan. Makikita rito ang pag-asa, pagmamahal at pagkakaisa ng ating mga ninuno na siya namang namana ng bagong henerasyon. Sinabi rin niya na ang watawat ay tulad din ng kalayaan na kailangang pangalagaan bagamat hindi maiiwasan na sa paglipas ng mahabang panahon ay darating din sa aspetong ito’y kukupas at maluluma kung kaya’t kailangan na rin nitong mamahinga sa pamamagitan ng pagsunog sa mga ito.
Ang naturang okasyon ay sinaksihan ng mga pinuno at kawani/manggagawa ng pangasiwaang lokal at mga miyembro ng Boys Scouts of the Philippines sa pangunguna ni Council Scout Executive Joselito Dinglasan. (CIO-San Pablo City)
Comments
Post a Comment