ALAMINOS, Laguna – Bilang isang naghahangad na makapanungkulan bilang punumbayan dito, nabanggit ni Vice Mayor Ruben D. Alvarez na payak ang kanyang pangarapin bilang isang pinunong bayan, “Simple lang po para sa bayan,” wika niya, upang maipagkaloob ng pangasiwaang lokal ang mga pangunahing palatuntunang pangkalusugan, panglipunan, at pangkapanatagan.
Ayon kay Alvarez, ang pangunahin sa kanyang pangarap para sa bayang ito, ay ang makitang bago matapos ang susunod na tatlong taon, ay matiyak niya na ang lahat ng mga sambahayan sa sakop ng munisipyo ay masasakop ng National Health Insurance Program, sa pamamagitan ng pagpapatala sa kanila sa Philippine Health Insurance Corporation, upang matiyak na ang lahat ay may pagkakataong mapagkalooban ng mataas na uring paglilingkod na pangkalusugan sa pamamagitan ng mga establisadong paggamutan.
Nabanggit din ni Alvarez na napapanahong ang pangasiwaang lokal ay pagtuunan ng pansin ang Alternative Learning System na itinataguyod ng Department of Education, at tamang pakikipag-ugnayan sa angkop na ahensya ng pamahalaan, para sa pagbubukas ng training centers na magkakaloob sa mga kabataan ng angkop na kasanayang panghanapbuhay.
Sa dahilang ang bayang ito ay nananatiling agricultural sa pangkalahatan, marahil ay napapanahon ayon kay Alvarez na hilingin sa DepEd o sa Provincial Schools Superintendent na magbukas sa bayang ito ng isang agricultural high school upang ang mga kabataan ay magabayang mag-aral sa disiplina ng paghahalaman at paghahayupan. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment