Ang Rotary Club of San Pablo City Central, sa pamamatnubay ni Club President Adoracion B. Alava, ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa lider ng iba’t ibang samahang sibiko at organisasyon sa paglilingkod sa lunsod para maisaayos ang pagtataguyod ng “Know Your Candidates Forum” kaugnay ng nalalapit na May 10, 2010 Local Elections.
Sang-ayon kay Doctora Doray, ang aanyayahan ay ang apat (4) na kandidato sa pagka-Gobernador; apat (4) na kandidato/a sa pagka-Bise Gobernador; tatlong (3) kandidato/a sa pagka-Kongresista sa Ika-3 Distrito ng Laguna; apat (4) na kandidato sa pagka-Alkalde ng Lunsod ng San Pablo; at dalawang (2) sa pagka-Bise Alkalde. O labing pitong (17) lahat ang kandidatong aanyayahan sa talakayan.
Para sa kaayusan sa oras, inaasahang ang talakayan para sa “Know Your Candidates” ay maisasagawa sa darating sa ikalawang linggo ng buwan ng Abril o pagkatapos ng tinatawag na :Mga Mahal Na Araw.”
Batay sa project proposal na inihanda ng RC Central, ang bawa’t kandidato, na unang magsasalita ay ang mga kandidato sa pagka-Gobernador, ay pagkakalooban ng sampong (10) minuto para ipahayag ang kanilang panuntunan ng pamamahala, at ang mga pangunahing pangako na inaasahang magiging sandigan ng kanilang pangangasiwa o sa pagbalangkas ng mga palatuntunan para sa kagalingan ng sambayanan. Pagkatapos ng kanilang pamamahayag o pagtalakay sa kanilang mga balakin sakaling maluklok sa hinahangad na tungkulin, ay pagkakalooban sila ng pagkakataong makasagot sa dalawang (2) katanungan mula sa mga dumalo o tagapakinig sa bulwagan.
Sa dahilang 17 kandidato ang aanyayahang magsalita, inaasahang ang talakayan ay aabot sa mahigit sa apat (4) na oras. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment