San Pablo City - Nanawagan si Mayor Vicente B. Amante, Ph.D. (Honoris Causa) sa Sangguniang Panglunsod na huwag maging kritiko ng Executive Department dahil hindi naman naging kritiko sa kanila ang Executive Department sa kabila ng diumano’y ginagawang panlilinlang nito sa mamamayan ng Lunsod ng San Pablo.
Binigyang linaw ni Mayor Amante ang diumano’y hindi pa pag-ooperate ng San Pablo City General Hospital. Sang-ayon dito, inilalagay lamang ang lahat sa ayos at sumusunod lamang sa mga itinakdang proseso ng Department of Health kung kaya’t hindi pa ito nag-ooperate. Pinasinungalingan din nito na walang empleyado at mga kagamitan ang naturang ospital. Hindi lamang agad nabili ang mga kagamitan sa dahilang hindi pa rin naman ito nag-ooperate. Sinabi nitong nais lamang palabasing siya’y isang corrupt na lider samantalang ayon dito bago pa man ma- release ang pondo ay napakadami muna nitong pinagdadaanang proseso bago pa man ito ma-approved.
Binabaliktad lang diumano ang isyu sa pagpapalabas na walang development sa lunsod kumpara sa ilang lugar sa buong Region IV gayong lahat ng basic services ay mayroon ang lunsod at laging kasama sa mga nangungunang siyudad sa pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan. Hindi kagaya ng Sangguniang Panglunsod na may taunang budget na kasinlaki ng Nagcarlan na humigit kumulang na 40M ay wala namang maipagmamalaking accomplishment. Mayroon pang ilang mga kalaban sa pulitika na nagsasabing ibabalik nila ang sigla ng lunsod gayong nagkaroon lang naman ng sigla ang lunsod mula ng siya ang maupo sa pwesto. Pinasalamatan naman ni Mayor Amante ang mga mamamayan ng San Pablo sa pagsuporta sa kanyang administrasyon.
Sa pagtatapos ay nanawagan ang Punonglunsod sa lahat ng mga kawani na ipagpatuloy ang nakaugaliang pagiging magalang sa lahat upang lalong makapaglingkod sa mamamayan ng may kaayusan. (CIO-San Pablo City)
Comments
Post a Comment