Nagpapaalaala si City Health Officer Job D. Brion sa lahat ng mga nagmamay-ari o nag-aalaga ng aso na sila ay may pananagutan na gaya ng mga sumusunod: pabakunahan ito laban sa rabis minsan isang taon, at tiyaking ito ay maayos na nakatala sa itinakdang registration card; maayos na pangasiwaan ang inaalagaang aso, at ito ay hindi dapat hayaang nakalilibot sa labas ng kanilang bakuran, liban na lamang kung ito ay nakatanikala at akay ng may alaga rito; at ang alagang aso ay dapat na pinapaliguan o pinangangalagaang malinis, at pinagkakalooban ng tamang pagkain upang mapanatili ang kalusugan nito, Ang alituntuning ito ay malinaw na nakatagubilin sa Seksyon 5 ng Batas Republika Bilang 9482 o Anti-Rabies Act of 2007.
Pananagutan din ng may-ari ng aso na sagutin ang lahat ng magugugol sa pagpapagamot sa sino mang makakagat ng alaga niyang aso, paalaala ni Dr. Job D. Brion.
Samantala, nagpapaalaala si Dr. Fara Jayne Orsolino, City Veterinarian ng lunsod, na ang mga barangay ay maaaring makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para maitakda ang araw na ang kanilang vaccitnation team ay makadalaw para sa malawakang pagbabakuna ng walang bayad sa lahat ng aso at pagtatala sa barangay laban sa rabies.
Ipinababatid din ni Dr. Orsolino na may tauhan siyang makakapagbakutan ng aso at makakapagtala nito sa lahat ng asong dadalahin sa kanilang tanggapan araw-araw, Lunes hanggang Biyernes. Ang Office of the City Veterinarian ay nakikiisa kina Mayor Vicente B. Amante at Dr. Job D. Brion upang mapahayag ang lunsod “Rabies Free San Pablo City.” (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment