SAN PABLO CITY – Umabot sa kabuuang 585 nagdadalang-taong ina mula sa 217 barangay na bumubuo ng 3rd Congressional District of Laguna ang dumalo sa kauna-unahang Kongreso ng mga Buntis na ipinatawag ni Congresswoman Ma. Evita R. Arago noong Linggo, Nobyembre 28, 2010 sa Siesta Residencia de Arago sa Green Valley Subdivision sa Barangay San Francisco, sa kabila na noon ay masungit ang panahon, at patuloy ang malalakas na pagpatak ng ulan.
Bilang laki rin naman sa isang baryo, na sa kanyang kabataan pa man ay nagsimula na kaagad naglingkod sa pamayanan bilang Sangguniang Kabataan Chairman, ay ganap na nadarama at nauunawaan ni Congresswoman Ivy Arago na ang pangunahing dahilan ng pagkamatay o pagkakaroon ng kapansanan ng isang ina ay salig o bunga ng kawalan ng pagkakataon na makapagpasuri sa manggagamot sa panahon ng kanilang pagdadalang-taon; kawalan ng sapat na unawa at kamalayan sa mga bagay na dapat niyang isagawa sa panahon ng paglilihi; at ang marami ay hindi nagagabayan kung saan sila dapat magsangguni ukol sa mga suliraning may kaugnayan sa paglilihi.
Dahil ditto, akay na rin ng sariling karanasan bilang isang nagdadalang-tao sa unang pagkakataon, ay minarapat niyang magpatawag ng kapulungan ng mga buntis, na ang kinatawan ay pinili mula sa mga nagsisipagdalangtao sa mga kanayunan, upang sila ay magabayan sa tamang pangangalaga ng sarili upang sila ay maging ligtas sa pagbubuntis.
Sa tulong ni Dra. Rowena Raymundo, isang kilalang obstetrician-gynycologist sa lunsod ay napaliwanagan ang mga buntis sa mga bagay na may kaugnayan sa pagbubuntis, an gang mga nangangailangan ay sumailalim ng aktwal na pagsusuring medical. Ang 100 ina ay ginugulan ng Tanggapan ni Congresswoman Ivy Arago para maipadala sa isang kilalang klinika ditto rin sa Lunsod ng San Pablo para sumailalaim ng routine fetal ultrasound screening using ultrasound echo (sonographic) equipment para mapag-alaman ang kaayusan at kalalagayan ng sanggol sa kanilang sinapupunan. May mga dentista ring nagkaloob ng paglilingkod sa mga buntis upang sila ay magabayan sa tamang pangangalaga ng ngipin para sa kagalingan nila at ng sanggo na kanilang isisilang.
Samantala si Pastor Joel Macaraeg, Public Affairs and Communication Director of the South-Central Luzon Conference of Seventh Day Adventist Church, Inc. at si Gng. Pamela Aranguren-Reodique ng Philippine Foundation for Breast Care, Inc. ay nagpaliwanag sa pagiging mga may pananagutang mga magulang, tamang pangangasiwa sa sarili sa panahon ng pagbubuntis, at kamalayan sa tamang pangangalaga sa sanggol na kanilang isisilang.
Bago ang paghihiwahiwalay ng mga buntis, si Congresswoman Ivy Arago ay nagparipa (o palabunutan) na ang ipiinagkaloob ay maternity dresses, baby’s wear, mga gatas, at iba pang mga pangangailangan ng isang inang nagsisilang ng sanggol, at mga panustos sa kasisilang pa lamang na sanggol. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment