Nagpapaalaala si Chapter Administrator Dorie P. Cabela ng Philippine Red Cross - San Pablo City Chapter na maging maingat sa pagpili ng mga gagamitin sa paggagayak o pagdidikorasyon ng tahanan kaugnay ng nalalapit na holiday season ngayong magtatampos na ang taon.
Halimbawa, kung bibili ng mga laruan, ay dapat isipin ang kapanatagan ng batang pagkakalooban nito, halimbawa, ay iwasan ang mga laruang kaakit-akit na isubo ng bata, na maaaring mabulunan ito, o may matatalim o matutulis na bahagi ito na maaaring makasugat sa batang hahawak nito.
Sa paglalagay ng linya ng kuryente sa mga may ilaw na parol, ay dapat na isangguni sa isang kuwalipikadong electrician dahilan sa ang paglalagay ng maling sukat ng kawad ng kuryente ay maging dahilan upang ito ay pagsimulan ng sunog, o makakuryente sa makakahawak nito.
Kung bibili ng Christmas light ay hanapin ang may PS-Mark o may pagpapatibay ng Bureau of Product Standards, at alalahaning may Christmas light na desinyo para gamitin sa loob ng bahay o indoor, at may desinyo para sa labas ng tahanan o for outdoor use.
Dapat ding laging ipaalaala sa mga kagawad ng sambahayan ayon pa kay Mrs. Dorie Cabela na mapanganib ang magsindi ng paputok o firework, lalo na yaong mga paputok na ginawa sa mga hindi lisensyadong paggawaan, sapagka’t ito ay hindi nakatutugon sa pamantayang pangkaligtasan, kaya karaniwang ito ay sumasabog kaagad, at ang lakas ng pagsabog ay lubhang malakas kaysa inaasahan. Ito ang uri ng rebentador o paputok na marami ang napipinsala o nasasabugan.
Upang maging masaya ang pamilya sa pagtatapos ng taon, ang paalaala ni Dorie ay mag-ingat sa paghahanda ng ano mang bagay na iniuugnay dito, at huwag kalimutan ang dimensyong ispiritwal sa pagdiriwang. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment