Ang biogas digester ay isang kaayusan at sistema para ang mga nabubulok na basura, dumi ng hayop, at mga katulad nito, ay mapagkunan ng gas na kilala sa katawagang methane na nagagamit na pangatong sa mga lutuan, at bunga ng pagiging malikhain ng mga Pilipino, ay nagagamit na gatong sa mga heat engine tulad ng electric generating set. Ito ang nabanggit ni Engr. Fernando E. Ablaza, Provincial Director na nangangasiwasa sa Provincial Science and Technology Center (PSTC) ng Department of Science and Technology sa Rizal na naka-base sa University of Rizal Campus sa Morong, Rizal.
Ayon pa kay Ablaza, sa ilalim ng kanyang pangangasiwa, siya ay nakapagtayo na ng 254 yunit ng biogas digester, kasama na ang 24 units na ipinatayo sa mga Bayan ng Ibaan at Rosario sa Batangas, at siya ay patuloy na humihikayat sa mga mamamayang may kakayanang makapagpatayo nito, lalo na ang mga poultry and piggery operator, upang mabawasan ang nalilikhang methane gas sa pagkabulok ng mga basura na sumasama sa hangin, sapagka’t sapagka’t ang methane gas ay 21 ulit na mabagsik (o 21 times more potent) kaysa carbon dioxide sa pagsira ng ozone layer na nagbubunga ng mabilis na pagtaas ng temperatura ng kapaligiran.
Sa Batangas, sa mga Bayan ng Rosario sa pamamatnubay ni Mayor Felipe Africa Marquez, at Ibaan sa rekomendasyon ni Mayor Juan V. Torreja, iniulat ni Ablaza na ang kanilang pangasiwaang lokal, ay kapuwa ng naglalaan ng P1-milyon bawat taon para gugulin sa pagpili ng kagamitan na ipinamamahagi sa mga magkakapitbahay nainteresadong magtayo ng common biogas digester, sa pasubaling ang mga kalahok na magsasaka ang babalikat sa gugulin sa pagtatayo nito, sa pagsubaybay ng mga tekniko ng Department of Science and Technology.
Ang Rosario ay isang first class municipality, samantala ang Ibaan ay isang fourth class municipalty, at ang pagsasakit ng kanilang local government na mapalaganap ang paggamit ng biogas digester ay ang mapangalagaang malinis ang kanilang kapaligiran, sa pamamagitan ng pagsusunog sa methane gas upang mabawasan ang pagsingaw ng masamang gas o to reduce greenhouse gas emissions.
Bagama’t ang pangunahing layunin sa pagtatayo ng common biogas digester ay bilang panggatong sa pagluluto, sa Barangay Panghayaan sa Ibaan, kung saan ang 85 porsyento ng mga nagsisipag-alaga ng baboy ay nagtulong-tulong na makapagpatayo ng mga common biogas digester, ay hindi lamang ginagamit ang natitipong methane gas na panggatong sa lutuan, kundi ginagamit na rin nilang panggatong sa kanilang mga common electric generating set o generator, kaya sabi ni Engr. Nanding Ablaza na “hindi lamang pangluto, kundi pampailaw at pangseguridad pa kung gabi.” (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment