Isang dating mataas na pinuno ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang nagmumungkahi ng malawakang pagtatanim ng kawayan, hindi lamang sa halaga nito sa pagtataas sa antas ng kalalagayang pangkabuhayan ng mga mamamayan, kundi upang makatulong sa pangangalaga ng katatagan ng kapaligiran.
Halimbawa, dito sa Lunsod ng San Pablo, ang kawayan ay inaangkat pa sa Quezon ng mga nagsasaayos ng fishpen and fishcages sa mga lawa, at maging ang mga labong na itinitinda sa palengke ay ani rin sa ibang bayan.
Higit sa kontribusyon ng kawayan sa kagalingang pangkabuhayan, ayon sa dating LLDA official, ang kawayan ay malaki ang naitutulong upang mapangalagaan ang kapaligiran. Ang mga ugat nito ay nakatutulong upang mapigil ang mga pagguho ng lupa o soil erosion,at nakatutulong upang maging mabanayad ang pag-agos ng tubig-baha, kaya napangangalagaan nito ang carbon reserve sa lupa. Ang puno pa ng kawayan ay may katangian ding nakatutulong upang makonsumo ang carbon dioxide sa kapaligiran na malaking tulong para sa kalusugan ng tao at ng mga hayop. Kaya dapat tanggapin ang katotohanang ang kawayan, ano man ang uri o specie nito, ay mataas ang kahalagahang pangkabuhayan at panglipunan o social and economic importance para sa bansang katulad ng Pilipinas.
Subali’t isang municipal agriculturist ng isang munisipyo sa baybayin ng Laguna de Bay ang nagsabing ang mungkahing ito ay tinatanggap ng kanyang alkalde, sa pasubaling ang gugugol sa paghahanda ng mga binhing pananim ay kaloob ng LLDA, at hindi hindi umano makita ng kanyang punumbayan ang halaga ng pagtatanim o pagpaparami ng kawayan sa katatagan ng pamayanan na tuwirang pananagutan ng isang yunit ng pamahalaang lokal kaya ayaw maglakip ng laang-gugulin para sa pagpapatanim ng kawayan, maging ng mga punong kahoy sa paghahanda ng Annual Budget.
Maging ang Philippine Council for Agriculture, Forestry and Natural Resources Research and Development (PCARRD) ay nagpapayo ng malawakang pagtatanim ng kawayan, sapagka’t inaasahang sa mga susunod na taon ay tataas ang pangangailangan sa kawayan sapagka’t ito ay gagamitin para sa konstruksyon ng mga gusali, paggawa ng mga muwebles, at ang labong ay mahalagang pangluwas bilang pagkaing ninanais ng mga taga-ibang bansa. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment