SAN PABLO CITY - Pananagutan ng isang may alagang aso na ang kanyang alaga ay pakainin ng tamang pagkain at regular na pinaliliguan. Hindi rin dapat hayaan ang hayop na malayang makapaglibot sa labas na kanilang bakuran, at kung kinakailangang ilabas, ay dapat na ito ay nakatanikala, at sa sandaling ito ay makakagat, ay dapat na ipagbigay-alaman kaagad sa city o municipal health office sa loob ng 24 oras, lakip ang pagpapaabot ng impormasyon sa kahandaang sagutin ang mga magiging gugol sa pagpapagamot ng biktima laban sa rabis, sapagkat ang aso ay dapat na maayos na pinangangalagaan upang ang rabis ay maiwasan. Ito ang paalaalang ipinaaabot ni Dra. Fara Jayne C. Orsolino, city veterinarian ng lunsod, na ang saligan ng kanyang pahayag ay ang mga nakatadhana sa Anti-Rabies Act of 2007 o Republic Act 9482 , na pananagutan ng mga nagsisipag-alaga ng aso o pet owner na ito ay kanilang pabakunahan, at kung ang alaga nilang aso ay makakagat, ay pananagutan nila ang pagpapagamot sa nakagat o sa biktima.
Nabanggit ni Dra. Orsolino na layunin ng batas na maipagtagumpay na matamo ang isang pambansang palatuntunan na gagawang ang bansa ay “Rabies Free Philippines, at ang Office of the City Veterinarian ay nagsasagawa ng information education campaign na may pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture, Department of Health, Department of Education, at Department of the Interior and Local Government para sa partisipasyon ng mga yunit ng pamahalaang lokal.
Nabanggit ni Dra. Orsolino na araw-araw may tauhang makakapagsagawa ng pagbabakuna sa kanilang tanggapan, kasama na ang pagtatala sa pinabakunahang aso, gaya ng iniuutos ng Batas Republika Bilang 9482. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment