LOS BAÑOS, Laguna – Nang si Mayor Anthony F. Genuino ay maging tagapagsalita sa nakaraang pagdiriwang ng ika-47 Anibersaryo ng paglilingkod ng Department of Science and Technology sa Katimugang Tagalog na ginanap sa bayang ito, kanyang nabanggit nab ago ang lahat, ang kanyang pinagtutuunan ng pansin ay ang pagpapalaka sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council na siya ang tagapangulo.
Sa bisa ng Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 o Batas Republika Bilang 10121 ang pangasiwaang municipal ay nakabili na ng mga kinakailangang pangunahing kagamitan para sa pagsasagawa ng mga rescue operations, maging ito ay sa lawa, sa mga kaburulan, at sa mga lugar na binabaha.
Ang mga bumubuo ng MDRRMC, na ang marami ay mga kusangloob na kumakatawan sa mga samahang sibiko, organisasyon sa paglilingkod, at mga non-government organization ay nakapagsanay na rin sa tamang pagsaklolo batay sa umiiral na kalalagayan ng bayang ito.
Sa dahilang ang Los Baños ay hindi lamang isang university town, kundi ito ay isa ring tourist destination, iniulat na rin ni Mayor Genuino na ang pangasiwaang municipal ay may pakikipagkasunduan sa DOST-Region IV-A upang ang mga nagsisipaglingkod sa mga restoran at resort, gayon na rin ang mga nagsisipagtinda sa lansangan o mga street food vendors ay maturuan at masanay sa tamang paghawak sa pagkaing ipinagkakaloob sa mga tumatangkilik sa kanilang hanapbuhay.
Ang pagtiyak na malinis ang itinitindang pagkain ay isa ring paraan ng pangangalaga sa kalusugan ng mga mamamayay o public health. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment