San Pablo City – Nananawagan ang Office of Social Welfare and Development sa pangunguna ni Social Welfare and Development Officer Grace D. Adap na magpatala sa National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) ang mga sambahayang nabibilang sa mahihirap na pamilya sa Lunsod na hindi pa napupuntahan ng mga nakatalagang DSWD Enumerator sa kanilang mga lugar.
Ang NHTS-PR ay isang proyekto ng pamahalaan upang matukoy kung sinu-sino at kung saan matatagpuan ang mga lehitimong mahihirap na nangangailangan ng tulong. Isa itong paraan at batayan upang maging malinaw at patas ang implementasyon ng mga programa patungkol sa mga nangangailangan upang matugunan ang mga ito ng naaayon sa kanilang pangangailangan.
Idinagdag pa ni Gng. Adap na ang lahat ng mga nagnanais na magpatala ay kailangang magdala ng isang identification card tulad ng voter’s I.D., Philhealth Card o anumang I.D. na makapagbibigay ng impormasyon ukol sa tunay na pangalan at wastong tirahan. Magpunta lamang sa OSWD, 4th Flr., 8th Storey Building, City Hall Compound upang ma-evaluate at mabigyan ng sertipiko na nagpapatunay na hindi pasila naiinterbyu ng nakatalagang DSWD Enumerator sa kanilang tahanan. Ang lahat ng mga magpapatala ay kailangang sumang-ayon na mabisita at mainterbyu ng nakatalagang DSWD Enumerator sa kanilang tahanan. Maari ring tumawag sa numerong 5621-575 a hanapin si Gng. Adap para sa mga dagdag katanungan at impormasyon. (CIO-San Pablo)
Comments
Post a Comment