Si Angelica P. Masalunga kasama si RD Rosalinda P. Bautista ng NSO (kaliwa) ang kanyang coach na si Ms. Myrna V. Catapangan at PSO Airene A. Pucyutan ng NSO Quezon.
Sa unang pagsali ng Manuel S. Enverga University Foundation – Candelaria campus, nanguna agad ang kanilang pambato na si Angelica P. Masalunga sa isinagawang rehiyonal na paligsahan sa kaalaman sa Estadistika nitong nakaraang Nobyembre 23. Tinalo ni Angelica na nasa unang baitang sa kolehiyo sa kursong Accountancy ang 24 pang kalahok sa nasabing tagisan ng talino na ginanap sa CAP Development Center sa Lipa City.
Bago ganapin ang Philippine Statistics Quiz (PSQ) Regional Elimination, nagkaroon muna ng kanya-kanyang provincial elimination ang limang (5) probinsya ng rehiyon. Ang limang nanguna sa eliminasyon sa probinsya ang naglaban-laban sa rehiyonal na eliminasyon. Umabot sa 20 kolehiyo dito sa CALABARZON ang nakasali sa rehiyonal na PSQ. Ang simpleng si Angelica ay nakuha lamang ang ika-apat na puwesto sa provincial elimination sa probinsya ng Quezon.
Dahil si Angelica ang nanguna sa rehiyonal na paligsahan siya ang kakatawan sa rehiyon sa PSQ National Finals na gaganapin sa ika-8 ng Disyembre sa Maynila. Ang dalawa pang nagkamit ng karangalan sa nasabing paligsahan ay sina Carl D. Pastrana estudyante ng Batangas State University – Batangas City campus at John Paul E. Balandan ng San Pablo Colleges sa San Pablo City.
Ang PSQ ay isinasagawa taun-taon ng National Statistics Office (NSO) sa pakikipagtulungan sa Philippine Statistical Association (PSA). Ito ay naglalayong malaman ang kakayahan ng mga estudyanteng nasa unang taon sa kolehiyo tungkol sa Estadistika na napag-aralan nila noong sila ay nasa haiskul. Nilalayon din nito na malaman ng publiko ang kahalagahan ng estadistika (o datos) sa pagpaplano para umunlad ang ating bansa. Para sa karagdagang impormasyon magsadya sa opisina ng NSO Region IV-A sa Ground Flr. Bldg. C Fiesta World Mall, Maraouy, Lipa City o tumawag sa numero (043) 756-0412 o 404-1928.
Comments
Post a Comment