SAN PABLO CITY - Dumalo ang may 60 mga bagong halal na punong barangay sa lunsod na ito sa isinagawang orientation/advocacy seminar ng DILG-San Pablo City sa pamamatnugot ni City Local Government Operations Officer Marciana S. Brosas, na isinagawa noong nakaraang araw ng Biyernes, Nobyembre 19, 2010 sa ABC Training Center.
Lumahok din sa panayam/talakayan ang mga pinuno ng DILG sa San Pablo City Cluster tulad nina MLGOO Abigail Andres ng Calauan, MLGOO Rebecca Tolentino ng Liliw, MLGOO Leandro Dancil ng Alaminos at MLGOO Florancia Bugia ng Victoria. Naging tanging panauhin si ang bagong talagang tagapamuno para sa Lalawigan ng Laguna na si Provincial Director Lionel L. Dalope.
Ipinaunawa sa mga bagong manunungkulang punong barangay ang isinusulong na “Biyaheng Pinoy” ng Department of the Interior and Local Government upang mahikayat ang mga punong tagapagpaganap ng mga barangay na maagkaloob ng matapat na paglilingkod, batay sa ipinaunawa sa kanilang mga gawain, gampanin, at pananagutan bilang mga halal na pinunong nayon, kaya ipinaliwanag na rin sa kanila ang kahalagahan ng mga kasulatan at mga record na kanilang tatanggapin mula sa kanilang hahalinhang punong barangay, kasama na ang papel na kanilang gagampanan sa nalalapit na halalan ng mga mamumuno sa Liga ng mga Barangay sa Lunsod ng San Pablo.
Magiging basehan naman sa pagsusuri at pagtaya sa kanilang performance ay ang kanilang gagawing Barangay Governance Performance Management System na kanila ring natutunan. Ipinaalam din ang mga bagong memorandum circulars ng DILG at ang mga paraan para sa Disaster Risk Reduction and Management.
Pinahalagahan at pinasalamatan ni Mayor Vicente B. Amante ang pangasiwaan ng Department of the Interior and Local Government sa Laguna sa pangunguna ni Provincial Director Lionel L. Dalope, at City Director Marciana S. Brosas sa kanilang malasakit na mabigyan ng agarang oryentasyon ang mga bagong halal na punong barangay. Ikinatuwa rin ng punonglunsod ang pakikiisa ng maraming punong barangay na dumalo at gustong magkaroon ng sapat na kaalaman ukol sa kanilang mga gawain at responsibilidad bilang mga opisyal ng kani-kanilang barangay. (CIO-San Pablo City)
Comments
Post a Comment