San Pablo City – Ginunita ng Philippine Institute of Civil Engineers Inc. (PICE) sa buong kapuluan, kabilang na ang PICE-San Pablo City Chapter ang National Civil Engineering Week noong Nobyembre 22-28 base na rin sa deklarasyon ni Pangulong Benigno C. Aquino III.
Nagpaabot ng pagbati si City Administrator Loreto S. Amante sa PICE-SPC Chapter at kinilala ang malaking kontribusyon ng mga inhenyero sa buong komunidad. Hinimok pa nito ang mga ito na pag-ibayuhin pa ang pakikiisa maging sa proyekto ng lokal na pamahalaan para sa isang mas maunlad na Lunsod ng San Pablo.
Ang PICE ay isang lehitimong organisasyon ng mga Civil Engineer na tuwirang nakatutulong upang maipatupad ang mga makabuluhang proyekto para sa kaunlaran ng pamayanan. Ang pagdiriwang ng National Civil Engineering Week ay isinasagawa bilang pagkilala sa mga mahahalagang kontribusyon ng mga ito sa pagbuo ng isang komunidad.
Kaugnay ng pagdiriwang ay nagsagawa ang mga miyembro ng PICE sa lunsod ng iba’t ibang gawain tulad ng pag-aalay ng isang misang pasasalamat, motorcade, gift giving para sa mga kinukupkop na matatanda sa Bahay Nazareth. Ito ay dinaluhan rin ng mga Civil Engineering Students buhat sa Laguna College. Ilan rin sa kanila ang nakabilang sa delegasyon sa PICE National Convention sa Cebu International Convention Center noong Nobyembre 25-27.
Ang PICE-San Pablo City Chapter ay pinamumunuan ng mga kasalukuyang opisyal na sina: Engr. Rufino Mendoza, President; Engr. Edwin Igharas , 1st Vice President; Engr. Noel Tabo, 2nd Vice President; Engr. Herminio Borja, Secretary; Engr. Abrilito Felismino, Treasurer; Engr. Enrique delos Reyes, Auditor; Engr. Nestor Pasco, Business Manager; Engr. Cleto Arana, Jr., P.R.O.; Board of Directors sina Engr. Chrisol U. Capuno; Engr. Antonio Soriano; Engr. Joubert Munos; Engr. Romualdo Palomar; Engr. John Raymond Dequina; Engr. Cesar Samar; Engr. Ramil Bobadilla; at si Engr. Guillermo C. Sunega, Jr.ang Immediate Past President. (CIO-San Pablo)
Comments
Post a Comment